Sulat Kalabaw

Saturday, June 14, 2008 Spicy Trekker 0 Comments

 

Sulat Kalabaw... sulat sopas... sulat lampin...
Nakakaganang magsulat pagkatapos makabasa ng kakatuwang libro ukol sa mga manunulat.
Di ba't nakakabigla kung bakit ako'y nagsusulat sa wikang Pilipino? Madalas kasi sa wikang Ingles ako nagpapahayag ng aking mga damdamin. Hindi dahil sa ako'y isang social climber o normal na Pilipino na ninanais na maging Amerikano o makatulad ang mga Amerikanong manunulat. Siyempre, gusto kong nasa wikang Ingles ang mga sulat at libro ko para mabasa rin ito ng iba pang mga lahi sa buong mundo.

Saan nga ba nagsimula ang hilig ko sa pag-..(hay, parang hindi ko talaga ma-Tagalog ang
salitang doodle o makaisip ng alternatibong salita para sa "pagsusulat") ..pamamahayag
gamit ang lapis o papel?

Nung bata pako, Grade 2 yon, nahilig akong mag-drowing. Paborito ko pa noon ang cartoon karakter na si Princess Sarah, yung batang babaeng inaapi tulad ni Juday sa TV drama na Mara Clara. Pati rin ang ibang palabas na cartoons sa telebisyon ay naging inspirasyon ko sa pagdrodrowing. Lalo na ng dumating si Sailormoon sa buhay ko. Pagbata ka pa kasi ay laging pinapapasa ka ng titser mo ng mga artworks na naglalarawan sa pamilya, pangarap, nakakatakot at nakakatuwang pangyayari sa buhay, paboritong gawain o laruan at kung anu-ano pang pwedeng ilarawan hanggang sa mapudpod ang gamit mong lapis at krayola at magkahalo-halo ang kulay itim na pintura sa ibang kulay ng iyong mumurahing Pentel water color. Minsan sa tuwa mo ng pagpipinta at diin ng pagdrowing gamit ang bago mong Mongol number 2, mabubutas nlng ang papel mo at kinalaunan ay mamarkahan ng mababa ni titser ang iyong gawa dahil sa maduming bersyon mo ng Van Gogh's Starry Night.

Sa katunayan, lalo na kapag ika'y bata pa, ang pagbuo sa isang larawan ay higit na mas
madaling gawin at madaling makakuha ng atensyon di tulad ng pagsusulat. Hindi lahat ng ninanais mong ipahayag ay makikita sa isang larawan lalo na't kung ang tumitingin ay hindi Arts major. Ang bawat larawan ay misteryoso.
Di mo nga akalaing ang Mona Lisa pala ay ipinakikita ang ibang seksualidad ni Da Vinci o ang kontrobersyal nyang buhay pag-ibig. Bagamat naintindihan kong mas maraming manunulat ngayon kaysa sa mga pintor at graphic artists. Mas malayang mong naisusulat ang iyong damdamin; hinaing, pagkabaliw sa isang bagay o tao, istorya tungkol sa aliens o kaklaseng nag-uugaling alien, essay ukol sa impluwensiya ng simbahan sa gobyerno,
editorial news tungkol sa desisyon ng gobyerno na wag bigyan ng ransom money ang Abu Sayyaf para sa kalayaan ni Ces Drilon
o isang kakakilig na nobela na madalas katuwaang basahin ng mga dalagita.

Matagal narin akong nagnais magsulat ng nobela pero laging nauuwi sa mag simpleng TV/Movie scripts. Nangarap akong maibenta ang mga ito sa TV networks o sa mga movie producers balang araw. Nakagawa ako ng higit sa limang istorya at kahit isa sa mga iyon ay hindi ko natapos. Masarap gumawa ng panibagong istorya pagkatapos mong makaisip ng
bagong ideya o kaya naman kapag ika'y napagod sa mga karakter na isinusulat mo. Minsan di mo maiwasang isama mo ang sarili sa istorya at imposibleng isulat ang sarili na ikaw ay kontrabida. Mahirap ring tapusin ang isang istorya kapag nagbabago ang iyong genre interest. Kung sa una'y sabik kang magsulat ng love-comedy na script, pagkatapos mong manood o makabasa ng ilang suspense na sine at libro, nagugulo ang iyong atensyon at pokus sa pagsusulat. Bagamat pipilitin ko paring tapusin ang mga istorya ko kahit paghalu-haluin ko pa ang genre ng istorya.

Ang bestfriend ko noong Grade 6 ang nag-impluwensiya sa akin sa pagsusulat. Tuwing umaga, ilalabas niya ang malaki nyang notebook (Tsukuba ata yon) at ikwekwento nya sa'min ang kanyang romance scripts. Madalas siya ang bida sa mga istorya nya at minsan
kasama pako sa kanyang mga karakter. Ang ayoko lang ay ginawa nya kong girlfriend ng bestfriend naming in-closet na bakla. Doon nagsimula ang hilig kong magsulat. Natuwa ako sa lawak ng kanyang imahinasyon at kung papaano niya ito nailalathala sa kanyang
mga istorya. Kung sa una ay pa-diary diary lang ang ginagawa ko. Ang aking diary na puno ng walang katapusang kilig moments tungkol sa una kong infatuation (at tingin ko infatuated
parin ako sa kanya dahil commercial model at sumisikat na atleta na siya). Sa kinalaunan, at dahil narin siguro sa dami ng ipinasusulat na essay sa Formal Theme Writing Book at sa ibang subject sa eskwela, ay nahiligan kong magsayang ng tinta ng bolpen at gamitin ang blankong espasyo ng aking lumang notebook sa pagsusulat ng kung anu-anong mahiligan ko.

Nakakahumaling magsulat kapag sobrang saya, kapag sobrang lungkot at lalo na kapag wala kang magawa. Kung iyong mapapansin ang mga celebrities ngayon ay nagnanais ng makapaglimbag ng libro bago sila mamatay. Tulad ni Madonna na may illustrated children's book, si Jim Paredes na dating singer ay ilang libro narin ang nagawa, ang autobiography ni Paris Hilton at ang huling balita ko ay si Rica Peralejo ay nag-aaral ng Creative Writing para rin siguro makapaglimbag ng sariling libro niya o kaya naman ay maging manunulat sa isang magazine o dyaryo.

Di man ako sikat na celebrity tulad nila, may pagkakapareho sa aming mga pangarap. Oo at gusto kong lumabas sa isang pelikula pero alam nating malabo mangyari yon. Oo at gusto ko ring maglabas ng sarili kong song album pero di kaya ng aking vocal chords. Oo at ninais ko ring magkaroon ng pabango na nakapangalan sa akin pero hindi ko alam kung maibebenta ang mga iyon. Isa lang ang may kasiguruhang matupad na pangarap. Iyon ay makapagpalimbag ng kahit iisang libro na mababasa ng mga tao sa mga susunod na henerasyon. Kahit iisang libro na makapagpaalala sa buong mundo na ikaw ay may naibahaging aral, ideya at damdamin sa sinumang tao na nangangailan ng inspirasyon, pag-asa, lakas at unting kasiyahan sa kanilang malungkot na buhay. Makapagpalimbag ng libro kahit sa anumang paraan, mapa-Pearson Publishing House o kahit sa mga maliliit na limbagan sa iskinita ng Recto.

 

-- DM, 6/14/08  10:33 PM
(wala pa akong alias, magpapapremyo ako sa taong makapagbibigay ng alias. Please wag lang baboy, seksi na kasi ako eh....<cough><cough>

0 comments:

Blog Archive

Powered by Blogger.